Tagalog Bibles (BIBINT)
タガログ語新約聖書


Mga Gawa 1

Si Jesus ay Umakyat sa Langit
    1O Teofilo, ako ay sumulat ng unang salaysay patungkol sa lahat ng sinimulang ginawa at itinuro ni Jesus. 2Siya ay gumawa at nagturo hanggang sa araw na siya ay dinala paitaas. Nangyari ito pagkatapos niyang magbigay, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ng mga utos sa mga apostol na kaniyang pinili. 3Pagkatapos ng kaniyang paghihirap, nagpakita rin siyang buhay sa kanila sa pamamagitan ng maraming katibayan. Siya ay nakita nila sa loob ng apatnapung araw at nagsalita siya ng mga bagay patungkol sa paghahari ng Diyos. 4Sa pakikipagtipon niya sa kanila, siya ay nag-utos sa kanila: Huwag kayong umalis sa Jerusalem, sa halip ay hintayin ninyo ang pangako ng Ama na inyong narinig mula sa akin. 5Ito ay sapagkat totoong si Juan ay nagbawtismo sa tubig ngunit kayo ay babawtismuhan sa Banal na Espiritu ilang araw pa mula ngayon.
    6Nang sila nga ay nagkatipun-tipon, nagtanong sila sa kaniya: Panginoon, ibabalik mo bang muli ang paghahari sa Israel sa panahong ito?
    7Sinabi niya sa kanila: May oras o mga panahon na inilagay ng Ama sa sarili niyang kapamahalaan. Ang pagkaalam sa mga ito ay hindi para sa inyo. 8Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating na sa inyo ang Banal na Espiritu. Kayo ay magiging mga patotoo sa akin sa Jerusalem, sa buong Judea, sa Samaria at sa pinakamalayong bahagi ng lupa.
    9Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, habang sila ay nakamasid, siya ay dinala paitaas. At ikinubli siya ng isang ulap sa kanilang paningin.
    10Nang nakatitig sila, habang siya ay pumapaitaas, narito, dalawang lalaki na nakaputing damit ang tumayo sa tabi nila. 11Sinabi ng dalawang lalaki: Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatitig sa langit? Itong si Jesus na dinala sa langit mula sa inyo ay babalik din katulad ng pagpunta niya sa langit na inyong nakita.

Pinili si Matias Bilang Kapalit ni Judas
    12Pagkatapos nito, sila ay bumalik sa Jerusalem mula sa bundok na tinatawag na mga puno ng Olibo, na malapit sa Jerusalem. Ito ay lakbaying makakaya sa isang araw ng Sabat. 13At nang makapasok na sila, umakyat sila sa silid sa itaas. Doon nanunuluyan sina Pedro, Santiago, Juan, Andres, Felipe, Tomas, Bartolomeo, Mateo at Santiago na anak ni Alfeo. Gayundin si Simon na Makabayan at si Judas na kapatid ni Santiago. 14Silang lahat ay matatag na nagpatuloy na nagkakaisa sa pananalangin at paghiling. Kasama nila ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus. Kasama rin nila ang mga lalaking kapatid ni Jesus.
    15At sa mga araw na iyon, si Pedro ay tumindig sa kalagitnaan ng mga alagad. Ang bilang ng pangalan ng mga nagtipon ay halos isangdaan at dalawampu. 16Sinabi niya: Mga kapatid, kinakailangang maganap ang kasulatang ito na sinabi ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng bibig ni David. Ito ay ang patungkol kay Judas na naging gabay ng mga dumakip kay Jesus. 17Ito ay sapagkat siya ay napabilang sa atin at nagkaroon ng bahagi sa paglilingkod na ito.
    18Ang lalaking ito ay bumili ng isang parang mula sa kabayaran ng kalikuan. Doon ay bumagsak siya na nauna ang ulo. Bumuka ang kaniyang katawan at sumambulat ang lahat ng kaniyang bituka. 19Ito ay nalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem. Sa ganito tinawag ang parang na iyon sa kanilang wika na Akeldama. Ang kahulugan nito ay parang ng dugo.
    20Ito ay sapagkat sinasabi ng kasulatan sa aklat ng mga Awit:
       Hayaang ang kaniyang tahanan ay maging
       mapanglaw. Huwag patirahin ang sinuman
       doon. Hayaang kunin ng iba ang kaniyang
       pamamahala.
21Kaya nga, kinakailangang pumili tayo sa mga lalaking nakasama sa buong panahon na ang Panginoong Jesus ay pumaparoon at pumaparitong kasama natin. 22Kailangang nakasama natin siya mula sa pagbabawtismo ni Juan hanggang sa araw na siya ay dinala paitaas mula sa atin. Pipiliin natin ang isa sa kanila upang maging kasama nating tagapagpatotoo patungkol sa kaniyang pagkabuhay na mag-uli.
    23At nagmungkahi sila ng dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas na ang palayaw ay Justo, at si Matias. 24Nanalangin sila at nagsabi: Ikaw Panginoon ang nakakaalam ng mga puso ng lahat. Ipakita mo kung sino sa dalawang ito ang iyong pinili. 25Ipakita mo kung sino ang tatanggap ng bahagi ng paglilingkod na ito at ng pagka-apostol na kung saan si Judas ay sumalangsang. Nangyari ito upang siya ay pumaroon sa dakong karapat-dapat sa kaniya. 26Sila ay nagpalabunutan at si Matias ang napili. Siya ay ibinilang sa labing-isang apostol.


Tagalog Bible Menu